Linggo, Marso 2, 2014

Suring basa ng isang awitin



SA UGOY NG DUYAN
nina: Lucio San Pedro at  Levi Celerio
sinuri ni: Ryan Veras Balolot

Ito’y isang munting alaala ng isang butihing anak sa kanyang pinakamamahal na ina. Na pilit niyang ninanariwa sa isipan ang mga karanasang naganap noong kanyang kabataan sa piling ng kanyang ina. Ayaw niyang limutin ang nakaraan sapagkat iyon ay maiuuri niya na isa sa pinakamagandang  karanasan sa buhay.
 Ninanais niyang maulit at marinig muli ang mga  awiting laging inaawit ng kanyang ina habang siya ay nasa duyan noong sanggol pa. Mga awiting nagpapahayag ng pagmamahal na nagmumula sa kaibuturan ng puso na walang pag-aalinlangan at kondisyon. Gaya ng pagmamahal ng isang ina, walang kapares, walang katulad, bayani ika nga… dahil sa katatagan at tunay na wagas.
Sa oras ng kanyang pagkakahimbing sa pagtulog, wala siyang nababakas na kung anong panganib o kaya’y mga alalahanin sapagkat panatag ang kanyang kalooban na wala ni sinuman ang maaring gumambala sa katiwasayan ng na kanyang nararamdaman dahil nariyan ang isang inang handang magtanggol para sa anak. Sa piling ng isang ina ay talagang tunay na napakasaya, parang langit ang pakiramdam. Dahil sa mga kasiguruhang ang pagmamahal nito at pagkalinga ay tunay na nagmumula sa pusong maawaain. Gaya ng Diyos, handang magbigay, magpatawad at magsakripisyo. Naniniwala siyang tanging ang isang ina ang maaring makaintindi ng nararamdaman ng isang anak, di man sabihin ng tuwiran ay nararamdaman sa pamamagitan ng lukso ng dugo. Inang nakakaalam sa solusyon ng maaring maranasang problema ng isang anak. Ngayon siya’y nanabik sa dating ugoy ng duyan na tanging ang isang ina lamang ang nagpadama.

Pagsusuri ng isang Dula


 Sa Pula, Sa Puti
ni: Francisco Soc Rodrigo
sinuri ni: Ryan Veras Balolot

I.                    Mga Tauhan

a.      Kulas - ang pangunahing tauhan sa kwento, isang sabongero na hindi nawawalan ng pag-asang suwertehin sa pagsasabong.
b.      Celing - maybahay ni kulas, laging nagpapaalala kay kulas na tigilan na nito ang pagsasabong. Pumupusta siya ng palihim sa manok ng  kalaban dahil manalo man o matalo ang kanyang asawang si kulas ay hindi mababawasan ang kanilang salapi.
c.       Sioning - kaibigang matalik ni Celing. Tanging napagsasabihan ni Celing ng kanyang mga saloobin patungkol sa patuloy na pagsasabong ni kulas.
d.      Castor - isang bihasa sa pagsasabong na nagtulak pa lalo kay kulas para huwag mawalan ng pag-asa sa pagsasabong. Pinagpayuhan niya si kulas sa mga nararapat umano nitong gawin upang manalo sa sabong.
e.      Teban - isang engot na kasambahay nila Kulas at Celing. Siya ang inuutusan ni Celing upang pumusta ng palihim sa manok ng kalaban ni Kulas.
II.                  Buod
Si Kulas at Celing ay ang magasawang hindi masyadong mayaman o mahirap, katamtaman lang ang katayuan nila sa buhay. Kaya lamang ang asawa nitong si Kulas ay nalululong sa bisyo  ng pagsasabong ng manok. Namomroblema  itong si Celing sa asawa sapagkat lagi nalang talo kung umuwi ang asawang si kulas galing sa sabong. Kung kaya ay umisip siya ng paraan para hindi sila tuluyang mabaon sa kahirapan. Palihim niyang pinapupusta ang engot na kasambahay na si Teban sa manok ng kalaban upang kahit manalo man o matalo si kulas sa sabong ay wala pa ring talo.
Nagpatuloy ang ganoong Gawain hanggang sa isang araw ay para yatang nawawalan nan g pag-asa itong si Kulas sapagakat hindi naman daw pabor sa kanya ang suwerte kung kaya ay nakapagdesisyon siyang iwan na ang pagsasabong. Ngunit nagbago na lamang ang kanyang isip ng siya ay mapagpayuhan ni Castor,  kasamahan rin niya sa sabongan, sa mga sandaling iyon ay tinuruan ni Castor si Kulas sa mga nararapat nitong gawin na mga estratehiya upang manalo si kulas. Sa katagalan ng kanilang pag-uusap, hangga ng sa muli nanamang nabuhayan itong si Kulas a mananalo siya sa sabong sa pagkakataong ito. Muli ay nanghingi siya perang pamusta sa sabong kay Celing sabay nangakong kung matatalo pa siya sa pagkakataong iyon ay malaya na si Celing na ihawin ang lahat ng kanyang Tinali at nangako rin siyang kakalimutan na niya ang sabong.
Sumapit na nga ang oras ng pagsasabong at pumunta ng palihim si Kulas na pumusta sa manok ng Kalaban gaya ng itinuro ni Castor sa kanya. Pinapusta rin ni Aling Celing si Teban sa manok ng kalaban. Ngunit sa di inaasahang pangyayari ang manok ni Kulas na sadyang tinusok ng karayom ang paa upang sadyang humina at tuluyang matalo ay siya palang mananalo sa labanan ng mga tinali. Sa pagkakataong iyon ay kapwa natalo sa sugal ang mag-asawang Kulas at Castor at wala man lang silang  nakuha kahit ni katiting na kusing. At natupad ang kasunduan ng mag-asawa na iihawin ang lahat ng tinali at magbabago na si Kulas sa kanyang bisyo ng psgsusugal.

III.                Pagsusuri
1.      Panahong kinabibilangan - nabibilang sa lahat ng panahon (noon at maging sa kasalukuyan)
2.      Mga sariling puna:
Maganda ang kuwento, ang istruktura at ang pagkakalahad. Tunay na hahangaan ang may-akda pagkat naipakita niya ang isang mabisang paglalahad ng kuwento. Nag-iwan rin ito ng magagandang kaisipan na kapaki-pakinabang sa mambabasa. Naging kaiga-igaya at madaling maiuugnay ng bawat yugto ng pangyayari sa ating buhay. Ang mga taong nalululong sa bisyo ng pagsasabong ay may pag-asa pang magbago.
3.      Gintong kaisipan:
“Sino bang tao ang nagkakakuwarta sa sugal na hindi gumagamit ng daya?”
Ang pagsusugal ay ang isa sa ipinagbabawal na gawain ng kapwa batas ng Tao at Diyos. Kapag ang isang taong nalululong sa masasamang gawaing tulad nito ay hindi lamang ang taong nagsusugal ang maaaring maapektuhan nito kundi pati na  ang mga taong nasa kanyang paligid. Sa pagsusugal ay gumagamit ng hindi mabilang na masasamang gawaing tulad ng pagdaraya. Labag ito sa kahit na sinuman. Ang pagdaraya ay binubuo ng kasakiman at pagkamakasarili. Wala itong kinikilalang mali at tama. Wala rin itong magandang maidudulot, bagkus ay doble ang balik nitong kamalasan sa taong gumagawa ng ganitong uri ng gawain.
4.      Teoryang Napapaloob:
a.      Realismo - masasabing ito ay kinapapalooban ng realismo dahil ang mga pangyayari sa kwentong ito ay nangyari na sa totoong buhay. Katulad na lamang ng mga lalaking nalululong sa pagsasabong na gumagamit ng daya, gaya ni Castor at Kulas, na kung saan ang ganitong mga gawain ay walang magagandang maidudulot sa pamilya, lipunan at sa sarili.

Interbyu kay Prof. Honey Fe Buga-ay (Glee Club Advicer)


BAGONG ADBAYSER NG GLEE CLUB KINAKAHARAP ANG MABIGAT NA HAMON
ni: Ryan Veras Balolot

                Ang isang organisasyon ay binubuo ng mga taong may iisang layunin at naniniwalang kakayanin ang bawat hangaring ninanais, kagaya na lamang ng Glee Club sa CSSH. Mga pawang marunong at magaling sa musika ang mga miyembro nito. Mga miyembrong nagkapalagayan ng loob dahil sa iisang hilig at gusto, ito ay makapagbigay ng aliw at lugod sa kapwa, kasama na rin ang sariling kapakanang matuto pa lalo sa taglay na talento. Ayon sa panayam ko sa bagong adbayser ng Glee Club na si Ms. Honey Fe C. Buga-ay, ang samahang ito ay isang magandang pagkakataon para sa mga mag-aaral na may hilig sa musika at ang samahan ding ito ay isang lugar ng pagkakakilanlan ng kanilang pagiging bahagi sa isang grupo. Alam na alam ni Ms. Honey ang mga pamamaraan patungkol sa musika at tiyak na isa ito sa mga krayterya sa pagpili ng magiging adbayser ng nasabing organisasyon. Buong pagpapakumbaba na tugon ni Ms. Honey na mas mainam na tanungin namin ang Dekana ng CSSH sapagkat sila ang may hawak ng mga basehan kung bakit siya ang napiling maging adbayser ng Glee Club.
            Ang Glee Club ay muling nanumbalik ang pagka-aktibo noong unang semester ng nakaraang taon sa ilalim ng pamamahala ng bagong adbayser. Ilan sa mga okasyon na naimbitahan ang mga miyembro ng Glee Club para magtanghal ay ang mga sumusunod: Graduate Studies Seminar, Tribute para kay Madam Marohombsar at marami pang iba. Sa lahat ng mga organisasyong naglipana sa MSU ay para kay Ms. Honey ang Glee Club ang pinakamaganda at pinakamahusay sapagkat hindi lamang hinahasa ang natural na talento ng isang mag-aaral, tinuturuan na makisama o makihalubilo sa kapwa kundi dahil sa napakaraming gawain na pinupunto ang sariling pagkatuto. Ito’y isa lamang patunay na hindi lamang sa pag-aaral ng asignatura magaling ang isang MSUans kundi pati sa Extra Curricular nila. Sa madaling sabi kayang pagsabayin ang anumang gawain kahit gaano pa ka abala ang isang mag-aaral.
            Sa pagsali sa Glee Club ay isang napakalaking prebilihiyo sapagkat ang pakikipagkapwa-tao sa iba’t ibang personalidad at ang pagkatuto pa lalo sa mga kakayahang pansarili ang mas pinakalayunin nito. Ayon parin sa adbayser ng Glee Club na nagpahayag ng kanyang saloobin tungkol sa magagandang pangyayari sa Glee Club, na ang ganitong mga gawain ay nagpapagaan sa kanyang pakiramdam kahit na sa kabila ng napaka-busy sa trabaho ay naglalaan parin siya ng panahon sa ganitong okasyon. Alam  namin pareho na walang bayad ang serbisyong ito ngunit dahil sa isang pangungusap na binigkas niya ay napanatag ang aking pagdadalawahan, wika niya “kapag nasa Glee Club ako naiisip ko , ako ito” mga katagang nagpabalik-balik sa aking gunita.
            Iba rin daw ang nagtuturo sa tinuturuan kaya isang hamon ito sa nagtuturo dahil kung magiging maganda o pangit man ang kalalabasan ng pagtatanghal ay balik lahat iyon sa tagapagturo. Dito rin sinusubok ang katatagan ng pasensya ng tagapagturo kung kaya isang napakabigat na hamon ngunit kung malalampasan ay para rin naming yaman sa kalaunan.

                                                                                                                       



Panunuring Pampanitikan (Pagsusuri sa isang maikling kwento)



Para Sa Isa’t Isa
ni: Pelagio  S. Cruz
sinuri ni: Ryan Veras Balolot

1.      Ang Realismong Pananaw/Teorya

(“Sa disco house, hindi lumalabas na kapreskuhan sa mga babae ang unang lumapit sa lalaki. Makipagkilala, Makipag-usap. At kung maaari’y I-table. Magsisimula iyon sa padai-daingkil. Pahawak-hawak sa braso. Hanggang sa kung magising ang lalaki’y sumampay ang kamay nito sa balikat ng babae, umumpog ang pisngi hanggang sa ihinang ng maiinit na halik ang kanilang mga labi.” - pahina 1)

(“Ang kainaman ng mga babae sa beer house, walang inhibisyon. Kung ano ang maramdaman, isinasagawa ng hindi nakikimi. Kung ano ang gustong sabihin, sinasabi ng walang inhibisyon Deretsahan, ika ng matatanda.” - pahina 3)

Maraming bahagi ng kwento ang nagpapakita ng tunay na mukha ng buhay. Inilalarawan dito ang ilan sa katotohanan ng buhay gaya ng mga babaeng nagbebenta ng aliw dahil sa labis na kahirapan dinaranas. Tinataglay nila ang mga paniniwalang naaayon sa panahon. Nawala na ang dating Maria Clarang gawi. Napalitan ito ng mga babaeng walang inhibisyon kung magpahayag ng damdamin. Karaniwan sa kanila na napapasok sa ganitong uri ng trabaho ay nakaranas ng labis na kagipitan o inabuso na naging sanhi ng kawalang pag-asa. Sa ating kasalukuyang panahon tunay itong nangyari maging saang lupalop man ng ating daigdig.


2.      Ang Romantisismong Pananaw/Teorya

(“Hindi sinasadya, nagkaroon ako ng interes sa lalaki. Sino ito? May-asawa? Hiwalay o binate? Makisig siyang lalaki. Ang tipo ng kanyang pagkalalaki ay hindi pag-uulik-ulikan ng sinumang babae para ito ay hangaan at kung sakali’t mag-aalay ng pag-ibig, ay hindi mabigat na ito’y tanggapin sa puso.” - pahina 1)

(“Bakit ako’y nakakandong sa kanya. Damang-dama ko ang pag-uumigting ng kanyang pagkalalaki na nagiging dahilan para mag-init din ang aking katawan. Kusa, siniil ko ang labi ng lalaki. Darang na darang ako. Ngayon ko lamang nadama ito kahit na nga sino pang lalaki, sa dinami-rami ng nakadaop-labi ko sa beer house.. Ke-barya, ke-buo - gaya ng code naming kung mahirap o mayaman ang lalaki. Kahit na nga pogi pa. Lalo na nga kung suwangit - para kaming patay. Nakaka-antok. Kung minsa’y nakakatulugan. Pero sa lalaking ito, gising ang aking malay, ang aking ulirat. May score saan man humipo ang malalaking kamay. Palagay ko ba’y malapit na rin akong magwala!” - pahina 3)

(“Hindi ako magkakaila sa iyo, Mahal kita”. Kaya bago tayo dumating dumating sa pinal na hakbang e kelangan makilala mo ‘kong lubos.” - pahina 3)

“Yamang naghahantaran tayo ng baraha… ako naman ang mag-o-open card. Hindi ako alas… karaniwang barha lang ako. Sa katunayan, dyan lang sa tapat ako nagtatrabaho… dyan sa supermarket. Matagal na ‘ko r’yan. Pero mula ng Makita kitang nagtatrabaho ka sa diskuhan e kum’bat kabud akong nagkagiyang na pumunta rito kung sabado ng gabi. Wala akong maapuhap na dahilan kundi ang makita nang malapitan ang kaanyuan mong napakaganda sa malayo. At natiyak kong  ikaw nga ang babaeng hinahanap ko na maaaring makagamot sa malubhang karamdaman ng aking puso.” - pahina 3)

Hahangaan ang pag-ibig ni Maria Cristina de Jesus kay Jesus Sta. Maria. Dahil sa kanyang labis na interes rito ay hindi niya inalintana na siya’y babae, siya ang pa mismo ang unang gumawa ng mga hakbang upang matiyak ang kanyang damdamin para sa minamahal. Hindi niya pinansin ang pagiging simple ni Jess, na kahit barya lang ang kinikita nito ay hindi magbabago ang kanyang nakalaang pag-ibig para rito. Kay Jess niya naramdam ang kapanatagan, kaligayahan at wagas na pag-ibig na handang magbigay at magpursige. Ganoon din sa kanya si Jess, kahit na inuunahan siya ng kanyang mahinang-loob dahil inakala niyang hindi siya karapatdapat para kay Marie ay nanatili pa rin sa kanyang puso ang paniniwalang, ito ang babaeng gagamot sa kanyang pusong sugatan dahil sa mapait niyang kahapon. Hanggang sa huli ay sila parin ang nagkatuluyan sapagkat sila’y  nakalaan ng Diyos, para sa isa’t isa.


3.      Ang Feminismong Pananaw/Teorya

(“ Matagal ko nang gustong lapitan ang lalaki. Subalit lagi akong nawawalan ng pagkakataong gawin iyon sapagkat kaagad akong itine-table uli oras na ako’y mabakante ng kung ilan pang nag-aabang sa akin gabi-gabi. Sabi ng mga kasamahan ko’y napalakas ko raw ang disco house mula nang ako’y dumating. Dahil doon, ako ang kahuli-hulihang naka-table. Kaya, oras na bumitiw ang ka-table ko ay magsasara na ang disco house. Wala na ang lalaki. Matagal nang nakaalis.” - pahina 1)

(Nagkaroon ako ng ilang katiyakan sa aking mga tanong nang magkaroon ako ng maluwag na pagkakataong makausap ang lalaki… “Pwedeng makitagay sa…yo?” maingat ako. Pati tunog ng boses. Pati ekspresyun ng mukha. Kailangang makumbinsi ito sa unang pagkakataon. Unti-unti akong lumapit hanggang sa abot-kamay.

Isinenyas nito ang isang kamay para ako’y paupuin sa mataas na taboreteng bilog, isahan at medyo mataas sa karaniwang silya. “Kung makakaya mong maupo dito,” sabi. “Soft drink o beer?”

Ngumiti ako. Itinutok ko ang aking mga mata. Natitiyak kong maganda ang saboy ng ningning ng aking pagkakatitig. Marahil, totoo ang ewan ko ba kung parabola--ang mata raw ay durungawan ng kaluluwa. Marahil, nakapamintana sa aking mga mata ang kaligayahan na nagmula sa aking puso. “Kahit wala,” sabi ko. “Kasi alinman sa dal’wa e mahal. Baka ‘ala sa badyet mo…”

Tumawa ang lalaki. “Kung pang-isang bote e meron naman. Mas mabuti siguro kung beer.”

Natawa ako, “Kahit ‘ala… p’wede. Pero kung gusto mo at hindi ka magagalit… ako na’ng taya mula ngayon, at… sky is the limit!” May tunog na katapatan kaysa kayabangang sabi ko. kinawayan ko ang isa sa mga waiter. “Dal’an mo kami rito ng apat na beer!” - pahina 1-2)

(“Alam mo bang sa mga lalaki ang babae’y isang pangangailangan… mahigpit na pangangailangan,” kinuha ng lalaki ang baso ng beer at halos iniisang lagok. Unti-unting lumuwang ang pagkayakap sa akin ng lalaki. “Kailangan kita, alam mo. Pero alam kong hindi kita kayang bilhin. Barya lang ako. Natitiyak kong…mamahalin ka! Hindi barya kundi buo ang dapat ipambili.”

“Hindi ka makabibili kung bibili ka. Kasi, hindi ipinagbibili. Ibibigay ko lamang…hindi bibilhin. Sa kondisyong gusto ko kung sinuman siya. ‘Tsaka… sa maniwala ka’t sa hindi, ‘ala pang nabibili sa’kin dito sa disco house na’to, dahil…hindi ko naman tangkang maglubalob sa putik. Danga’t ‘ala akong mapasukang hanapbuhay, kaya, dito ‘ko nasampid. At natiyak ko… hindi lahat ng narito ay nalulubalob. Hanggang halik at hipo lang. Na nakukuha naman sa paligo.” - pahina 3)

(“Ak’e biktima ng rape. Inihabla naming ang lumapastangan sa’kin. Ngunit isang mabisang paraan ang isinagawa ng inihabla naming pangkat na nagsigahasa sa akin. Pinagbantaang patayin nila ang ama’t ina at dalawa pang kapatid kong nakababata sa akin. Tinutotoo nila ang banta. Sabay na naburol ang aking ama’t ina. At nang hindi pa rin naming iwini-withdraw ang kaso e sabay ring pinatay ang dalawa kong kapatid na babae matapos gahasain. Sa nangyari, ang pagmamatigas ko ay biglang lumambot. At isang hatinggabing walang sukat mag-aakala ay patalilis akong umalis. Dito sa Salangan ako nakarating - pitumpu’t limang kilometro ang layo sa Maynila.” - pahina 3)

(“nagka-asawa ‘ko ng isang…tomboy!” Nagbuntunghininga ang lalaki. “Sa unang gabi pa lamang ng aming kasal ay dumanas na ako ng isang pagtitimping hindi lahat ng lalaki’y kaya. Nakapagtataka naming talaga na ang isang babaeng tulad ni Lucia ko… mayaman sa dibdib, maliit ang beywang, malapad ang balakang, mahubog na mga hita’t binti, lahat-lahat nan g kaangkinan.. na nakita ko nang ‘alang saplot, ay isa palang lalaki sa puso, sa isip, sa tapang!” Sinaid ng lalaki ang laman ng baso bago muling nagpatuloy. Hindi umano siya hiniwalayan kundi siya ang humiwalay…” - pahina 4)

(…Hinagkan ako ng lalaki. Matapos kong gantihan iyon ng isang mariing halik ay mabilis akong tumindig. Nagpunta ako sa kahera ng diskuhan.binayaran kong lahat-pati ang una niyang nainom saka ako nagbalik. “Tara na!” yaya ko. “Ala na palang natitirang tao rito kundi tayo na lamang dal’wa. Tara na!” Ulik-ulik ang lalaki, ngunit tumindig.

“D’yan lang ako nagtitira… sa ikalawang palapag ng gusali. Sa motel kita dadal’in…”

“Hindi! Sayang ang pera. Hindi ba barya ka lang?” at ak’e naghagikgik.”Ipunin na lang natin ang barya mo at barya ko para tayo makabuo. Sa maniwala ka’t sa hindi, kahit tay’e pareho lang barya… makabubuo tayo at tayo’y magtatagumpay, maniwala ka!” - pahina 4)  
 
Sa kwentong ito mababasa natin ang mapapait na sinapit ni Marie bago siya napadpad sa Beer House. Ang kanyang pagkababae ay sinamantala ng pangkat ng  kalalakihan. Dito ipinakita ang kawalan ng hustisya sa kanyang sinapit sa buhay, parehong pinaslang ang kanyang ama’t ina at mga kapatid dahil sa pagsulong ng kanyang karapatan bilang babae, hanggang isinuko niya ang kanyang ipinaglalaban at tinakasan ang mapapait na pangyayari sa buhay nito. Ngunit sa pagsapit niya sa Beer House na iyon ay  nagpakita siya ng di pangkaraniwang katangian ng isang babae, mas nahihigitan pa niya ang katangian ng mga kalalakihan. Kaya niyang magsikap at tumayo mula sa pagkakadapa. Kaya niyang manindigan na hindi tuluyang mabaon sa isang pangit na hanapbuhay. Gaya din ng nabanggit  ni Jess, na ang isang babae ay mahigpit na pangangailangan kung gayon para na rin nitong inamin na  siya’y mistulang patay kung walang babae. Masisilayan sa kwentong ito ang katapangan at paninindigan ng isang babae. Na kahit dumanas ng mapapait na karanasan ay  patuloy parin sa buhay. Kung ating iisipin si Marie ang gumawa ng mga hakbang upang magkalapit sila ng kanyang minamahal na si Jess. Isang patunay na lamang ng mga makabagong kababaihan sa kasalukuyan na handang pantayan ang kakayahan ng isang lalaki.