ANG
PINAGMULAN NITO
ni Ryan
Veras Balolot
Sa isang subdivision na
pag-aari ni Attorney Bermudez, nakatira ang mag-anak ni Edna. Isang inang may
siyam na anak at apat na beses nag-asawa. Sa salas ng kanilang bahay nakalagay
ang isang malaking salamin na kasing edad ng panganay na anak sa pangalawang
asawa ni Edna. Dito ay nauupo siya sa harap ng salamin upang magpaganda para
ihanda ang sarili sa pagpasok sa trabaho. Isang umaga iyon habang siya’y naglalagay
ng make-up sa mukha ay tinanong siya ng pang-anim niyang anak na babae. Sabi
nito “Ma, bakit po ba kayo naglalagay ng maraming make-up sa inyong mukha at
kung sa pananamit naman ay halos mahigitan na ninyo ang isang teenager?”
nakangiti lamang ang tinatanong habang kaming lima na kanyang mga anak ay naghihintay
sa kanyang isasagot. “mahalaga kasi ito sa aking trabaho, nararapat lang na
maramdaman ng aking magiging customer ang kasiguraduhan na siya’y mapapaganda
ko at nararapat lang na sa akin magsimula ang kagandahang iyon.” sabay tawanan
kami. Tunay ngang napakaganda ng aking ina, hindi ka magsasawang pagmasdan ng
paulit-ulit ang kanyang mga ngiti. Ngunit dahil sa sobrang paghahangad ng
sobrang kagandahan nasunog ang kanyang mukha ng mga inilalagay niyang
pampaganda na nag-iwan ng peklat na kung minsan ay ginagawang katatawanan ng
ibang tao. Sabi nila’y iyon daw ay parusa ng diyos nguni’t hindi kami
naniniwala bilang mga anak dahil kahit ano pa man ang mangyari mananatili parin
ang pagmamahal namin sa aming ina.
Sa pagkakataong iyon ay
masaya at tunay ang aming tawanan sa
salas ng bahay namin. At ako’y biglang nagkalakas ng loob na magtanong ng kung
ilang bagay kung bakit sila nagkahiwalay ni Papa na unang pinakasalan nito at
kung paano niya nakilala ang naging pangalawa niyang asawa at sumunod naman ang
pangatlo hanggang sa pang-apat na kanyang kinakasama sa kasalukuyan. Naging
pahulaan kasi sa amin na mga anak kung bakit naging ganoon ang naging
kinahinatnan ng aming pamilya. Pati na rin ang aming mga kapitbahay ay
nakikisali rin sa aming personal na buhay. Kami lagi ang paksa ng kanilang mga
tsismis. Nasabi ko sa murang edad ko na gusto ko nang maliwanagan, ayaw kong
mangyaring pati ako ay mandiri at ikahiya ang aming pamilya nang dahil lang sa
mga maling akalang kumakalat sa aming paligid. Ninanais ng aking isipan ang
katotohan sa mga pagkakataong iyon. Gusto kong malaman ang puno’t dulo ng lahat.
Layunin ko’y hindi upang manisi kundi
upang magkaroon ako ng sapat na dahilan upang ipagmalaki sa buong mundo ang
aming sinapit.
Natahimik kaming anim na
nauupo sa iba’t ibang sulok ng aming salas na naghihintay sa maaari niyang
isagot sa aking mga katanungan. Humarap sa amin si ina at nagwika “makinig kayo
at isa puso ang aking mga ilalahad sa aking buhay, pagkunan ninyo ng
magagandang-aral at gamitin bilang gabay upang hindi kayo matulad sa aking
sinapit.”
“Noong ako ay bata pa
mahilig akong sumali sa mga amateur singing contest, kasa-kasama ko ang aming
nakatatandang kapatid na lalaki. Lagi kaming nananalo at nag-uuwi ng bigas sa
bahay bilang gantimpala sa singing contest na iyon. Noong ako’y magdalaga
pumasok ako bilang katulong sa isang mayamang pamilya sa Agusan. Doon ako
natuto ng gawaing bahay, pero hindi ako tumagal kasi malupit ang amo ko kung kaya’y
nilayasan ko sila ng walang paalam at naglakad pauwi sa amin. Pero hindi iyon
pinalagpas ng aking amo. Pinuntahan nila kami sa bahay at naningil sa
pagkakautang ko raw. Umutang raw kasi ako ng pampabango at pampaganda kaya umabot
daw sa isang libo ang aking utang. Dahil sa nakapagdesisyon na akong hindi na babalik
doon ay walang nagawa ang lolo’t lola ninyo kundi ibenta ang nag-iisang baboy
at kambing na kanilang inaalagaan, bilang pambayad. Naaawa ako sa mga magulang
ko kasi inaakala ko makatutulong na ako sa kanila pero hindi pala, mas lalo pa
akong nakadagdag sa problema. Ang totoo
mahirap lang kami. Kung kaya doon sumibol ang mga pangarap ko, na para sa iba
kong kapatid imposible daw na mangyari
dahil hanggang grade six lang ang natapos ko. Ngunit hindi ako nawalan ng
pag-asa.
Naging pangulong
mang-aawit ako ng aming simbahan, at doon ko unang nakilala si Mauro, na isang
tricycle driver, naglahad siya ng pag-ibig sa akin. At di naman ako
nagdalawahan sa pagtanggap ng kanyang pag-ibig. Inisip ko sa pagkakataong iyon
na kapag nag-asawa na ako hindi na ako maghihirap, kasi may asawa na akong
bubuhay sa akin. Sa edad na dise sais ay ikinasal ako. Sa aming pagsasama’y
biniyayaan kami ng apat na anak, si Renato, Roselyn, Richelyn at Renalyn.
Ngunit hindi naging madali ang lahat, mas nahirapan ako. Lagi kaming nag-aaway
ng tatay mo Ryan, dahil napakaseloso nito at kung minsan ay sobra na ang
paglalasing. Habang ako naman nagpapakahirap sa pag-aalaga ng aming mga anak at
pagtataguyod ng aming kunting negosyo. Isang araw ay nakapagdesisyon akong
hiwalayan si Mauro. Pero hindi siya pumayag na isama ko ang aming mga anak.
Umuwi ako sa amin at doon ko nalaman na nagdadalangtao ako. Tinangka kong
ipalaglag ang bata ngunit dahil sa mahigpit ang kapit nito sa aking sinapupunan
ay wala akong nagawa kundi ipagpatuloy ang aking pagbubuntis. Nabalitaan ko rin
na ang aking mga anak na naiwan sa aking asawa ay ipinamigay niya sa kanyang
mga kamag-anak. Wala akong naiisip na
maari kong gawin sa pagkakataong iyon. Kahit gaano pa man kasakit ang sinapit
ng aking pamilya, sa sarili ko ay kailangan kong maging matatag, dahil
nalalaman ko na ang lahat ay may panahon. Ipinangako ko sa sarili ko na babalik
ako at kukunin ko ang mga nakatatanda ninyong kapatid para muli tayong magkakasama.
Ilang buwan ang nagdaan
matapos kong ipinanganak si Ryan, ay nagdesisyon akong lumuwas ng Mangagoy
Bislig. Para maghanap ng trabaho, swerte naman at napasok ako sa isang Beauty Parlor.
Doon ako natuto ng pagme-make-up, paggugupit, pagma-manicure at pedicure. Hindi
ko lubos akalain na sa lugar na iyon mayroon akong makikilalang taong magbabago
at magbibigay sa akin ng lahat ng gusto ko, na sa tingin ko’y solusyon sa lahat
ng aking problema. Nakilala ko si Felomino, isang mayaman at Custom Officer,
mas matanda sa akin ng sobra. May asawa’t mga anak siya sa Camiguin. Sabi niya
mula ng makita niya ako sa isang restawran na aksidenteng nagkasabay kaming
nananghalian ay di na ako mawala sa kanyang isipan. Inalam niya raw kung saan
ako nakatira at nagtatrabaho. Isang araw inimbitahan niya akong kumain sa
labas, pumayag naman ako. Doon ay kinausap niya ako ng masinsinan. Sabi niya
kung papayag ako sa lahat ng kanyang kagustuhan ay ibibigay niya sa akin lahat
ng aking gugustuhin at iibigin. Nais niya akong maging kabit, hindi na kasi daw
kayang makipagtalik ng kanyang asawa sa kanya dahil mayroon itong malubhang
sakit. Kinausap daw siya ng kanyang asawa at ito pa mismo ang nagsabi sa
kanyang maghanap ng isang babaeng karapatdapat upang ibigay sa kanya ang
pangangailangan nito sa sex at upang ipadama nito sa kanya ang pag-aalaga ng
isang asawa na hindi na kaya pang ibigay ng kanyang tunay na asawa sa kanya.
Ako raw ang kanyang napiling magiging bagong pakamamahalin. Ipinangako niyang
susuportahan ako ng pera, paliligayahin sa lahat ng luho sa buhay, poprotektahan , at mamahalin ng wagas, basta
lang pumayag ako sa kagustuhan nito.
Inisip ko hindi ang aking
sarili, kundi ang aking mga anak at mga magulang sa bahagi ng aking pagdedesisyon.
Isinaalang-alang ko ang sarili kong kaligayahan na makahanap ng isang tunay
kong mamahalin at pakakamamahalin rin ako. Pumayag ako sa lahat ng kanyang
kagustuhan ngunit sinabi ko ring hindi ko maipapangakong mamahalin ko siya.
Ibinunyag ko rin sa kanya ang buo kong pagkatao kung sino at saan ako nagmula.
Tinanggap niya ang lahat ng iyon ng buong
puso at walang pagdadalawahan.
Nabuhay ako na parang
Reyna. Yumaman akong bigla, pakiramdam ko, ako ang bida sa panahong iyon.
Nasusunod lahat ng aking layaw. Nakatutulong narin ako sa lahat ng aking mga
kapatid, kamag-anak, kaibigan at sa aking mga magulang. Gaya ng aking pangako
kinuha ko ang kuya’t ate ninyo mula sa mga kamag-anakan ng inyong ama at
pinag-aral ko sila sa isang pribadong paaralan. Nagkaroon kami ng tatlong anak
na babae ni Felomino, kayo iyon Edphil, Ladymae, at Mariefel, na kung saan ay
Tres Mariyas ang bansag sa inyo ng inyong Ama. Inakala kong hanggang doon na
lamang magtatapos ang buhay ko. Hanggang sa dumating ang araw na napasyal ang
isa sa mga kamag-anak ni Felomino sa aming tirahan. Isang lalaking
nagngangalang Dominador, na hindi ko inaakalang siyang bubuhay sa kagustuhan
kong magmahal muli ng totoo. Nagpahayag siya sa akin ng pag-ibig at hindi ko
rin maitago sa kanya ang aking nararamdaman para rito. Handa raw niyang iwan
ang kanyang pamilya para sa akin. Natalo ng makasariling pag-ibig ko kay
Dominador ang aming matagal na kasunduan ni Felomino. Nagtaksil ako sa madaling
salita. Nakipaghiwalay ako kay Felomino at sumama kay Dominador. Iniwan namin
ng buo kong pamilya ang aming dating tirahan sa Mangagoy Bislig at napadpad
kami sa Tagum City.
Sa Lugar na iyon,
nagsimula kami ng panibagong buhay. Muli akong naging masaya sa wakas, tanging
sariling kaligayahan ko lang ang inisip ko sa pagkakataong iyon. Ayaw kong
makinig sa mga payo na kung ano ang tama para sa iba. Ang mahalaga maligaya ako
sa piling ni Dominador. Nagkaroon kami ng anak at isinilang ko ang isang
napakagandang sanggol, ikaw yun Engelyn. Nagdaan ang ilang taon, buwan, at araw
napapansin kong pakunti ng pakunti na ang naiipon kung pera sa bangko. Dahil iyon
sa mga magkasunod na pagliliwaliw kung saan-saan. Hanggang sa umabot sa punto
na halos balikan ko na naman ang dating kong kalagayan noong naghihirap pa ako.
Nanghingi ako ng tulong sa mga taong dati kong tinulungan pero hindi lahat
nagbukas ng palad. Dinanas nating muli ang masalimoot at magulong buhay. Nagkawatak-watak
tayo. Umalis ang ate at kuya ninyo pumunta sa kung saan para tuparin ang
kanilang mga pangarap na kung saan ay hindi ko na kayang ibigay sa kanila. Kayo
na lamang ang naiwan sa akin kasi mga bata pa kayo noon. Nang magkasakit ang
Tiyo Doming ninyo ng Hepatitis napilitan kaming maghiwalay dahil ayaw ko namang
isugal ang buhay ninyo baka kayo mahawa sa sakit niya. Bumalik siya sa kanyang
pamilya na dating iniwan niya dahil sa akin.
Noong ako nalang mag-isa,
akala ko kakayanin ko. Hindi ko kayang buhayin kayo na ako lang mag-isa. Dahil
sa talagang mapaglaro ang tadhana, nakakilala ako ng bagong lalaki. Si Tiyo
Arnold ninyo. Siya ngayon ang bagong katuwang ko sa paghahanap-buhay makaraos
lamang tayo sa pang-araw-araw. Kaya sana hinihiling ko kahit na malayo ang loob
ninyo sa kanya at laging kayong hindi nagkakasundo, maintidihan nyo sana ako,
kahit para sa akin lang”…
at naputol ang
pagkukuwento ni mama sa kanyang buhay noong mapansin niyang mayroong pulis sa
labas ng aming bahay. Agad-agad siyang nagtago at ako’y kanyang pinagsabihan na kung hahanapin siya ng pulis ay sabihin ko
raw na wala siya sa bahay at matagal na siyang hindi nakauuwi. Sinunod ko ang
utos ni Mama, lumabas ako ng bahay na nadarama ang takot sa aking puso at ang
pangambang huhulihin nila si mama, hinarap ko sila at sinabing matagal ng hindi
nakauuwi si mama sa amin. Naririto raw sila sa aming bahay upang hulihin si mama.
Ayaw naman nilang sabihin ang dahilan, ngunit kahit hindi banggitin alam ko ang
sanhi, dahil sa pagkakautang sa pera.. Hindi naman sila makapasok ng bahay namin
dahil wala silang search warrant. Mabuti nalang at dumating si Tiyo Arnold at
siya ang nakipag-usap sa mga pulis.
Habang ako sa aking
kamusmusan, nalaman at nasaksihan ko ang mapait na sinapit ng aming pamilya.
Natatanaw ko ang malalalim na tingin ng madla at ang mga sulyap nitong mayroong
iba’t ibang pahiwatig. Napatakbo ako papasok ng aming bahay , deretso sa isang
silid…
“Sana’y di na maulit ang
lahat” bulong ko sa aking sariling nagpipigil sa pag-iyak…
sa pag-iyak…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento